Nagtatanim ng marijuana, huli sa Kalinga

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 02:04 PM

Natukoy na ang isa sa mga cultivator o nagtatanim ng marijuana sa plantasyong tinugis ng mga awtoridad noong nakaraang Linggo sa Tinglayan, Kalinga.

Kinasuhan na sa National Bureau of Investigation (NBI) sa Cagayan Valley noong Miyerkoles, Setyembre 27, ang suspek na nakilala umano sa tulong ng isang residente.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (Republic Act 9165) ang suspek.

Hindi isinapubliko ng NBI ang pangalan ng suspek habang patuloy na hinahanap ang iba pang kasamahan nito sa nagtatanim.

Miyembro umano ang mga nagtatanim ng Butbut Tribe.

Ayon kay Hector Geologo, direktor ng NBI sa rehiyon, posibleng pinoprotektahan ng tribo ang iba pang suspek.

Maging ang mga lokal na opisyal, hindi umano kilala ang mga ito.

Noong Sabado, Setyembre 23, nasamsam ng mga awtoridad ang isang malawak na plantasyon ng marijuana. Aabot sa P11 milyon ang halaga ng mga tanim.

Inamin ni Geologo na may mga plantasyon pa silang hindi nararating dahil sa layo ng lugar.

Nauna nang sinabi ng aklalde ng Tinglayan na si Sacrament Gumilab na nahihirapan silang pigilan ang mga residenteng nagtatanim ng marijuana dahil naging kabuhayan na umano ito.

Handa umanong tumigil ang mga residente sa pagtatanim ng marijuana kapag ipinatupad ng pamahalaan ang pangakong pagpapatayo ng kalsada sa lugar.

Sinimulan na ng Department of Public Works and Highways ang mga pagsusuri ukol sa itatayong kalsada. Magmumula naman sa Department of Tourism ang pondo para sa proyekto.

-- Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.