Mga senador, nagkagirian dahil sa blog

Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 02:28 AM

Binanatan ng isang social media blog ang pitong administration senators dahil ito sa hindi umano pagpirma sa isang resolusyon na kumokondena sa pagpatay sa mga menor de edad.

Dahil dito, nagkagirian muli ang majority at minority bloc sa Senado.

Binanatan ni Senate Majority Leader Tito Sotto ang social media website na SilentNoMorePH na naglabas ng artikulo tungkol sa mga senador na hindi umano pumirma sa Senate Resolution 516 na humihiling sa pamahalaang patigilin na ang pagpatay sa mga bata at imbestigahan ito ng Senado.

Ikinagalit ni Sotto ang masasamang salitang ginamit sa kanila ng artikulo, gaya aniya na ng pagtawag sa kanyang “rapist, plagiarist” at bastos sa mga single mom.

“If I’m found guilty I will resign. Sira-ulo itong nagsulat nito. 'Yung black propaganda ibang klaseng propaganda. They can present anything to that effect I will resign, otherwise ipapakain ko sa kanila yung computer nila,” ani Sotto.

Sa artikulo, tinawag din ng masasamang salita sina Senate President Koko Pimentel, Sen. Richard Gordon, Sen. Cynthia Villar, Sen. Migz Zubiri, Sen. Gringo Honasan at Sen. Manny Pacquiao.

Mariing itinanggi ng mga Senador na hindi nila pinirmahan ang resolusyon.

“For the record, I never saw this resolution,” ani Pimentel.

“I, together with other senators, were not asked to sign. We did not refuse to sign,” ani Villar.

“Kung sinuman yan. Bobo yan, Mr. President. Pag nakita ko yan, dito sa balat ng lupa wala akong kinakatakutan, only God. Kahit sino wala akong kinakatakutan. Pero yung mga nagtatago sa mga alias, kung ano-ano duwag yan,” ani Pacquiao.

Agad hiniling nina Sotto at Pacquiao na pa-imbestigahan sa National Bureau of Investigation na tukuyin ang mga nasa likod ng artikulo para agad nilang makasuhan ng paglabag sa Cybercrime Law.

Ayon kay Villar, ilang social media practitioner umano ang binalaan siyang gagalaw ang ilang senador para siraan ang mga taga-mayorya.

“They told me that two senators are out to destroy us. Sen. Risa and Bam daw. But I did not believe that until this thing happen. So I thought, maybe this is the start,” ani Villar.

Mabilis itong itinanggi ng dalawa.

“It’s not true. No basis,” ani Aquino.

“What? I don’t know about it. There’s no such thing,” dagdag ni Hontiveros.

Nagparinig naman si Zubiri sa ilang mga kasamahan na harapan na lang makipagbangayan sa kanila at huwag umanong manaksak nang talikuran.

Kalaunan, tumayo si Sen. Kiko Pangilinan at nagpaikot ng Resolution 516 at mabilis humingi ng paumahin sa kabiguan niyang maikutan lahat ng mga kasama sa Senado.

Wala rin daw siyang kinalaman sa lumabas na artikulo sa social media.

“I also have to apologize and failed to do, so then I apologize. I stress I have no control over social media. We have no role in the uploading in the unacceptable vicious material,” ani Pangilinan.

Paiimbestigahan ng Senado ang tinawag nilang lumabas na “fake news” article sa committee on public information at committee on public order and dangerous drugs. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.