Konsehal na namimiskleta sa Sulu, kinidnap umano ng Abu Sayyaf

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 05:00 PM

INDANAN, Sulu - Isang konsehal ng bayan ng Jolo ang dinakip ng 6 na hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf habang siya ay namimisikleta dito sa bayan, Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay Brig. Gen. Cirilito Sobejana, kumander ng Joint Task Force Sulu, kinilala ang kinidnap na opisyal bilang si Ezzeden Soud Tan, miyembro ng isa sa pinaka maimpluwensiyang pamilya sa Sulu.

Namimisikleta si Tan kasama ang iba pang miyembro ng Tausug Bikers Club nang harangin siya at tutukan ng baril ng 6 na 'di pa nakikilalang mga suspek, ani Sobejana.

Ayon sa imbestigasyon, isinakay si Tan sa isang pulang Tamaraw FX na walang plaka.

Isang source ng ABS-CBN Zamboanga ang nagsabi na ang Tanum Group, isang paksiyon ng Abu Sayyaf, ang nasa likod ng pangingidnap sa konsehal.

Ang grupo na pinamumunuan ng "Yadah brothers" ay karaniwang nagsasagawa ng kanilang mga operasyon sa bayan ng Indanan at iba pang kalapit na munisipyo.

Isang crisis management team ang binuo upang pangunahan ang isang rescue operation para kay Tan.

Ayon sa mga awtoridad, bukod kay Tan, hawak pa ng Abu Sayyaf ang 6 na Vietnamese, 5 Indonesia, at 5 pang Pilipino.