Iwas-rabies: Mga dapat gawin kapag nakagat ng aso

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 09:02 PM | Updated as of Sep 28 2017 09:29 PM

Tumaas ang bilang ng animal bite cases noong 2016 kumpara noong taong 2015 kaya agresibo ang Department of Health (DOH) sa kanilang kampanya lalo't target nila na maging rabies-free ang bansa sa taong 2020.

Sa tala ng DOH, umabot sa 209 ang namatay dahil sa rabies noong 2016. 

Bukod pa rito, pumalo sa 1,362,998 ang kaso ng animal bites nitong nakaraang taon. 

Karaniwan sa mga kaso nito ay kagat ng aso. 

Hindi naman anila ibig sabihin na may rabies na agad kapag nakagat ng isang aso.

Pero mahalagang agad matugunan ang sugat mula sa dog bite.

Sakaling makagat ng aso, agad itong hugasan ng tubig at sabon, magtungo sa animal bite treatment center sa DOH-accredited hospitals at obserbahan ang asong nakakagat kung may kakaibang ikinikilos. 

"We provide the free vaccines but the local government is the one doing the vaccination. Kasama sa rabies control program is spaying ng mga dog para huwag na silang makapag-reproduce," ani Dr. Simeon Amurao ng Bureau of Animal Industry.

Paalala pa ng DOH, isa ang pagiging responsableng pet owner sa mga paraan para maiwasan ang rabies.

Bukod sa inaasahan sa taong 2020 na magiging rabies-free na ang buong bansa, isasama na rin ang rabies awareness sa curriculum ng Department of Education. 

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.