Hindi patas sa OFW, babae? Dagdag-buwis sa pagpaparetoke, pinuna ng doktor

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 08:31 PM

Papatawan na rin ng dagdag na buwis ang cosmetic surgery o pagpaparetoke pati na ang panalo sa lotto sa ilalim ng panukalang tax reform ng Senado.

Bukod pa ito sa isinusulong na dagdag sa excise tax sa petrolyo, matatamis na inumin at sasakyan. 

Sa bersiyon ng Tax Reform Bill ng Senado, papatawan na rin ng dagdag na 20% na buwis ang pagpalalagay ng talukap, nose lift, bust lift, tummy tuck, at iba pang retoke.

Ito ay kung pagpapaganda lamang ang pakay sa pagpaparetoke at hindi dahil sa sakit, aksidente, o birth defect.

Kinontra naman ng mga cosmetic surgeon ang panukala dahil hindi naman anila mayaman ang lahat ng kliyente nila.

Ayon kay Dr. Joven Cruz, dating presidente ng Philippine Association of Plastic, Reconstructive, and Aesthetic Surgeons, overseas Filipino workers ang karamihan sa mga pasyente nila at 85% hanggang 90% dito ay mga babae.

Hindi aniya patas na karamihan sa mga tatamaan ng dagdag-buwis ay mga babae.

Tinatayang nagkakahalaga ngayon ng P30,000 ang pagpapatangos ng ilong.

Kung maaaprubahan ang panukalang 20% na dagdag-buwis, magiging P36,000 na ang halaga ng nose lift.

Nangangamba rin si Cruz na baka magtipid ang pasyente at pumunta sa hindi lisensiyadong surgeon na maaaring maglagay sa kalusugan ng mga pasyente sa peligro.

Samantala, kasali rin sa Tax Reform Bill ng Senado ang 20% na buwis sa panalo sa lotto na P200,000 pataas.

Kapag nagkataon, ang P10 milyong napanalunan sa lotto, maaaring buwisan ng hindi bababa sa P2 milyon.

Pagdedebatehan pa ang panukala sa Senado at isasalang sa bicameral conference committee bago isumite sa Malakanyang para aprubahan ng Pangulo.

-- Ulat nina Alvin Elchico at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.