Guro, nagpadala umano ng 'child porn' sa social media gamit ang DepEd e-mail

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 05:47 PM

Bistado ang isang gurong nagpadala umano ng mahahalay na video ng mga bata gamit ang social media account na konektado sa kaniyang Department of Education (DepEd) e-mail. 

Nakatanggap ng ulat ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Pangasinan mula sa Office of Cybercrime ng Department of Justice (DOJ) at National Center for Missing and Exploited Children na may na-monitor sa San Carlos City na nagpapadala ng mahahalay na video ng mga bata gamit ang social media.

Ikinasa ang operasyon nitong Huwebes, Setyembre 28, at natunton ang bahay ng 29-anyos na public school teacher sa San Carlos City.

Na-trace ito dahil gamit ng guro ang DepEd e-mail niya sa kaniyang social media account na siyang ginamit din sa pagpapadala ng mga porn video.

Nakumpiska ng NBI ang laptop, dalawang cellphone, digital camera, thumb drive, dalawang card reader at USB broadband mula sa suspek. 

Giit naman ng guro, nag-download lang siya ng mga video sa social media para sa personal niyang panonood.

Apat na videos naman umano ang naipasa niya sa kaniyang mga kaibigan.

Itu-turnover sa cybercrime office ang mga nakuhang ebidensiya para makompirma kung may laman itong child pornography.

Sakaling makasuhan at mapatunayang may sala sa ilalim ng batas ukol sa child pornography, maaaring mapatawan ang guro ng reclusion perpetua o hanggang 40 taong pagkakakulong.

Hindi muna pinangalanan ang guro hangga't hindi pa naisasampa ang kaso.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.