10 arestado sa drug den; may mga naaktuhang bumabatak pa

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 08:23 PM

Sinalakay ng mga pulis ang isang drug den sa Visayas Extension sa Payatas, Quezon City.

Base sa kuha ng surveillance video ng Quezon City Police District (QCPD) Station 6, makikita ang mga eskinita at mga bahay na itinuturong drug den sa Barangay Payatas na target ng ikinasang buy-bust operation.

Naabutan pa ng mga pulis ang ilan sa aktong bumabatak o gumagamit ng droga.

Arestado ang 10 na naabutan sa drug den, kabilang ang dalawang itinuturong tulak ng shabu.

Narekober din ang mga sachet ng hinihinalang shabu. 

Ayon kay Chief Inspector Sandie Caparroso ng QCPD, nakabili ng halagang P500 ng shabu ang mga pulis na nagpanggap na parokyano.

Aminado naman sa paggamit at pagtutulak ng droga ang dalawa sa mga nahuli.

Ayon sa isang suspek, gumagamit siya ng shabu para magising dahil panggabi ang kaniyang trabaho.

Pero tumigil na raw siya sa pagtutulak ng droga.

Ito na ang ika-apat na beses na nagsagawa ng raid ang QCPD sa Payatas.

Ayon naman kay Superintendent Rossel Cejas, hepe ng QCPD Station 6, simula nitong Miyerkoles, Setyembre 27, umabot na sa 19 ang naaresto nila na may kaugnayan sa ilegal na droga. 

Patuloy pa rin ang pagbeberipika ng QCPD sa mga impormasyon at pangalan ng mga posibleng protektor at supplier ng ilegal na droga sa Payatas, Quezon City.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.