12 sugatan nang mabagsakan ng sanga ang shed sa Koronadal

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2016 06:00 PM

Labindalawang estudyante ang sugatan nang mabagsakan ng sanga ng punong kahoy sa isang shed sa Koronadal City. Kuha ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital ang 12 estudyante matapos magtamo ng sugat at gasgas sa katawan nang madaganan ng gumuhong bubong ng shed.

Kuwento ng isa sa mga biktima, nagpatila sila ng ulan sa isang shed sa 'Father Carl Schmitz Spiritual Center Catholic Mission to Indigenous People' sa Barangay Asumpcion nang mabali ang malaking sanga ng punong "bogo" na katabi lang ng shed at bumagsak sa bubong nito.

Nakilala ang mga sugatan bilang sina:

-    Davy Jane Ligo
-    Coleen Tanding
-    Christina Joy Nato
-    Princely Dao
-    Ruffa Mae Pandat
-    Riza Malid
-    Avon Pondo
-    Lovelyn Pendatun
-    Mirasol Pondo
-    Jessa Sauran
-    Jevrick Mindal
-    Bernardo Dolong

Marami sa kanila ay nawalan ng malay at sa ospital na nagising. 

Walo sa mga sugatan ay nakalabas na ng pagamutan ngayong araw.

Inoobserbahan pa rin sa ospital sina Pondo, Malid, Pendaton, at Dolong, ngunit ligtas na sila sa kapahamakan.

Ayon kay Barangay Kagawad Placedo Sanang, Indigenous People Mandatory Representative sa barangay, binalaan na nila ang mga estudyante na iwasang pumunta sa ilalim ng mga punong-kahoy kapag masama ang panahon.

Aniya, madalas pumunta sa center upang maglaro o mag-ensayo ng mga gawain sa paaralan at karamihan sa mga puno naman sa center ay mahigit dalawampung taon nang nakatanim doon.

Inalis na rin nila ang sanga ng kahoy na nahulog sa shed.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.