Taxi driver, lalaking nagbabakasyon arestado sa Davao buy-bust

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2017 10:18 AM

Nahuli ang taxi driver na si Eliseo Pelisco sa isinagawang buy bust operation ng awtoridad sa Lanang, Davao City, madaling araw Huwebes, Setyembre 27, 2017

DAVAO CITY – Dalawang lalaki ang naaresto sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation ng awtoridad sa lungsod.

Nakilala ang mga nadakip na sina Alex Dimananal, 34-anyos, at taxi driver na si Eliseo Pelisco, 47.

Unang nahuli nitong Martes gabi si Dimananal sa Purok 4, Barangay Lizada sa Toril.

Sa report, nagpalipat-lipat umano si Dimananal ng lugar ng kanilang transaksiyon mula Sasa area hanggang sa umabot sa Toril.

Narekober sa kanya ang tatlong elongated sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P5,000, cellphone, at P1,000 na marked money.

"Newly identified personality siya,” ayon kay Senior Inspector Noel Villahermosa. 

Residente ng Talayan, Maguindanao si Dimananal at nagbabakasyon lamang umano sa Davao City.

Base sa intelligence report ng awtoridad, kumukuha ng supply si Dimananal sa Cotabato City at ibinebenta sa Davao City.

"Na-frame-up lang ako... matagal na ako huminto nung nag-asawa na ako, baka wala na sila ibang mahuli," depensa nito.

Samantala, alas-2 Miyerkules ng madaling araw nang mahuli rin ng San Pedro Police si Pelisco sa buy-bust operation sa Lanang, Davao City.

Nakuha sa loob ng taxi ni Pelisco ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu.

Sa Madaum, Tagum City ang source umano ng shabu ni Pelisco at ibinebenta din nito sa Davao City.

Kabilang sa drug watchlist ng San Pedro Police ang suspek.

Giit nito, napag-utusan lamang siyang kunin ang droga sa Tagum kapalit ng P1,000. Dagdag pa n'ya, matumal ang biyahe kung kaya’t naenganyo sa alok.

Kinasuhan na ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.