REDACTED: Batas sa data privacy, di sakop taong-gobyerno: UP prof

Aleta Nieva-Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2017 11:36 AM | Updated as of Sep 27 2017 12:25 PM

Tama nga bang sumandal ang ilang miyembro ng gabinete sa batas hinggil sa Data Privacy para hindi isiwalat ang mahahalagang detalye sa kanilang statement of assets, liabilities and net worth (SALN)?

Ayon kay Dr. Perlita Frago, assistant professor ng Department of Political Science ng University of the Philippines-Diliman, bagamat karapatan ng mga tao na ipaglaban ang kanilang “right to privacy” at “right to security”, hindi sakop ng Data Privacy Law ang mga naninilbihan sa gobyerno.

"Nakasaad din sa Data Privacy Act of 2012, nakalagay dito na ang mga nagta-trabaho sa gobyerno ay di covered. 'This act does not apply to the fact that the individual is or was an officer or employee of the government institution,'" paliwanag niya sa panayam sa DZMM Miyerkoles ng umaga.

Ipinaliwanag ni Frago na sa dami ng batas--Republic Act 6713, Right to Privacy, at Executive Order No.2--nagkakasalungat na ang mga ito at lumalabas na tila lahat ay may punto.

"Ang kulturang ito ay pinangalanang bureaucratic ambiguity. Sa isang banda naniniwala tayong lahat na the law must apply to all. Kaya lang paano mo ia-apply kung sa reyalidad, ito ay mahirap i-apply dahil sila ay ambiguous at conflicting in reality," sabi niya.

Idiniin din ni Dr. Frago na nakasaad sa Konstitusyon na ang "public office is a public trust." 

Dahil dito, dapat umanong handa ang sinuman na nasa gobyerno na mag lahad ng lahat ng kanyang ginagawa.

"Ang ating Constitution ay nagsasabi na kung ikaw ay nanunungkulan sa isang pampublikong opisina, ito ay opisinang naka-ugat din dito ang tinatawag na public trust," sabi ni Dr. Frago.

Sa in-depth report ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), iniulat nitong may mga detalye sa SALN ng ilang gabinete ng pamahalaan ang burado sa kabila ng alituntunin ng Civil Service Commission na pwedeng ang tirahan lamang ang burahin para sa seguridad ng magde-deklara ng SALN.

Para kay Dr. Frago, ang Konstitusyon pa rin ang dapat na balik-balikan.

"Bagamat ang sinasabi ng lahat na ang Konstitusyon ay isang dokumento at hindi naman ito magsasalita on its own, so kailangan ng mas malinaw na batas, implementing rules and regulations upang maipatupad ang mga nilalaman nito," sabi niya.

Dagdag niya, "mga tao pa rin ang nagi-interpret ng batas na ito kayat nagkakaganito ang topic na ito at ang isyung ito ay nagiging usaping at nagkakaroon ng maraming debate dito."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.