Nanlaban: 3 patay sa drug ops sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2017 08:04 AM | Updated as of Sep 28 2017 12:11 AM

MANILA - Tatlo ang patay matapos umanong manlaban sa magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa Malolos, Bulacan Miyerkoles ng madaling araw.

Unang napaslang ang 2 "tulak ng droga" na nakipagbarilan umano sa mga operatiba na nakabili sa kanila ng P5000 halaga ng shabu sa Malanggam Road, Barangay Bulihan. 

Hindi sumuko sa barangay at nasa drugs watch list ang mga target na sina Andrew "Pito" Santiago at Lynard Crisostomo, ayon kay Malolos police chief Heryl Bruno. 

Nakuhanan ng baril at granada ang mga suspek. 

Narekober din ang 5 plastic ice bag at 11 sachet na may lamang dahon ng hinihinalang marijuana mula kay Crisostomo, na guwardya sa isang pawnshop. Nakuha naman kay Santiago ang isang lalagyan na may 8 maliliit na sachet ng hinihinalang shabu.

Samantala, napatay malapit sa creek ng Barangay Pinagbakahan ang isa pang umano'y tulak si Marvin Lontoc.

Sakay ng motorsiklo si Lontoc nang nakipagtransaksyon umano sa mga pulis. Humantong sa engkuwentro ang operasyon ng maglabas ang suspek ng baril at barilin ang mga pulis, ayon kay Bruno. 

Dati nang sumuko bilang drug suspek si Crisostomo. Ulat nina Lyza Aquino at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.