Mag-anak na nakituloy sa tirahan ng kapitbahay, inanod ng rumaragasang baha

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2017 04:08 PM

Hindi inaasahan ng mga residente ng Brgy. Parian sa Calamba, Laguna ang dulot na pinsala ng bagyong 'Maring' at 'Lannie' nang pumasok ito sa bansa nitong buwan lang.

Kuwento ng isa sa mga nakatira sa lugar na si Jofran Monge, gabi noong Setyembre 11 nang biglang tumaas ang tubig sa kanilang komunidad.

“Malakas ang ulan. Maghapon kami sa bahay. Tapos no'ng mga alas-9 ng gabi, tumingin pa ako sa labas, wala pang tubig na [dumadating],” ani Jofran.

“Maya-maya, may kumakatok sa bahay ko. 'Yong asawa ng kapitbahay ko, sabi niya sa’kin may tubig na.”

Dahil sa banta ng baha, lumikas si Jofran kasama ang apat niyang anak sa kanilang kapitbahay. 

Kahit nasa ikalawang palapag nanatili ang pamilya, inabot pa rin sila ng tubig.

“Siguro kalahating oras, aba’y tumataas nang tumataas ang tubig. Akala ko naman hindi aabutin 'yong pinakatuktok talaga ng bahay kasi mataas na bahay nga po.”

“Biglang inanod 'yong bahay.”

Sa bilis at lakas ng agos ng tubig, inanod ng rumaragasang baha ang pamilya ni Jofran.

Kinaumagahan na nang malaman ng asawa ni Jofran na si Jessamin Mina ang nangyari sa kaniyang pamilya. 

Ayon kay Jessamin, ipagdidiwang sana nila ang ikatlong kaarawan ng kaniyang anak.

“Nando’n po ako sa Manila no’ng nasa trabaho ako. May usapan kami ng mga anak ko na uuwi talaga 'ko kasi birthday po niya,” kuwento ni Jessamin.

“Tiningnan ko talaga 'yong bahay namin. Wala, hindi talaga makita. Maya-maya, may tumawag na rescue team galing sa Aplaya, may nakita raw [na] apat na bata, dalawang matandang lalaki.”

“Nanalangin talaga ‘ko na sana mga anak ko na ‘yon, ang asawa ko sana sila na ‘yon,” dagdag niya.

Paano nga ba hinarap ng pamilya Monge ang trahedyang ito?
Panoorin sa 'Red Alert' kasama si Jeff Canoy ngayong Miyerkoles pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.