Curfew para sa mga menor de edad, lusot na sa komite ng kamara

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2017 01:22 PM | Updated as of Sep 27 2017 01:59 PM

Inaprubahan na ng House committee on welfare of children ang panukalang pagpapatupad ng curfew sa mga bata sa buong bansa. 

Sa panukalang batas, hindi na pwedeng magpakalat-kalat simula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga ang mga menor de edad, at hindi na rin maaaring matulog ang mga ito sa mga pampublikong lugar.

May parusa at multa mula P500 hanggang P1,000 ang mga magulang ng madadakip na mga bata, o community service ng lima hanggang sampung araw depende sa dalas ng paglabag. 

Layon umano ng panukala na matiyak ang kaligtasan ng mga bata at ma-protektahan sila mula sa pang-aabuso. 

Gayunpaman, pinapayagan naman sa labas ang mga bata sa mga sumusunod na pagkakataon: 

  • Kapag may kasamang magulang o guardian
  • Kapag estudyateng bumibyahe mula eskwelahan
  • Kapag galing sa trabaho na pinayagan ng DSWD 
  • Kapag may emergency
  • Kapag papunta o pauwi galing sa mga aktibidad sa eskwela, simbahan, atbp.

Dadalhin sa barangay ang mga batang mahuhuli para sa verification at counseling. 

Pinagbabawalan din ng panukalang batas na gumamit ng dahas ang awtoridad na huhuli sa mga bata.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.