Bahay sa Ilocos Sur natupok dahil sa naiwang nakasinding sigarilyo

Kim Lorenzo II, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2017 12:41 AM

Natupok ang isang bahay matapos maiwang nakasindi ang isang sigarilyo sa ikalawang palapag Lunes sa Ilocos Sur. Handout

Nasunog ang isang bahay dahil sa naiwang nakasinding sigarilyo sa Barangay Napu sa bayan ng Magsingal, Ilocos Sur Lunes.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), natutulog na ang pamilya Tacason nang magising sila dahil sa makapal na usok.

Mabilis na nilamon ng apoy ang dalawang palapag na bahay dahil gawa ito sa light materials.

Tatlong fire truck ang rumesponde. Nagdeklara ang BFP ng fire out matapos ang 15 minuto.

Walang nasalba ang pamilya Tacason maliban sa isang antique na upuan at plastic cabinet.

Ayon sa imbestigasiyon ng BFP, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag matapos maiwan ng anak na si Eusebio Tacason III ang nakasinding sigarilyo niya sa kaniyang kwarto.

“Sabi ng pamilya niya, madalas na nagyoyosi itong si Eugenio III kahit nakahiga pa sa kama niya. Pagkatapos raw nito magyosi nilagay niya ito sa ashtray at bumaba siya ng kwarto niya. Pagbalik niya napansin niyang sobrang liwanag na ng kuwarto niya,” ani SF02 Richard Garcia, fire marshal ng BFP-Magsingal, Ilocos Sur.

Aabot sa P250,000 ang pinsala. Wala namang nasaktan o nadamay sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.