ALAMIN: 'Green jobs' na magiging in demand sa hinaharap

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2017 11:07 PM | Updated as of Sep 29 2017 12:47 AM

Bukod sa magandang epekto sa kalikasan, milyon-milyong trabaho din sa buong mundo ang inaasahang madadagdag sa susunod na 13 taon dahil sa patuloy na paglawak ng 'green economy'.

Ayon sa United Nations agency na International Labor Organization (ILO), 60 milyong trabaho ang maidadagdag sa buong mundo hanggang 2030 dahil sa paglawak ng 'green economy' at pagdami ng 'green jobs'. 
    
Isang halimbawa nito ang renewable energy sector, ang electric vehicles sa transport sector, at ang eco-waste management sector na nagsusulong ng mas maayos na pamamahala ng basura gaya ng recycling at composting. 

Dagdag pa ng ILO, nagsisimula na ito ngayon dahil mayroon nang 5.8 milyon na trabaho sa renewable energy sector sa Asia-Pacific region pa lang.

Karamihan dito ay nasa China, pero humahabol na rin ang Pilipinas.

Nakapagbigay na rin ng 80,000 na trabaho sa mga Pinoy ang pag-unlad ng industriya ng renewable energy sa bansa, ayon sa ILO.

Isa si Gerry Chua sa mga young Pinoy entrepreneur na nagbebenta ng solar panels sa mga residente at establisimyento. 

Kahit bago pa lang ang kaniyang business, mayroon na siyang 12 full-time employees, bukod pa sa mga skilled worker na ina-outsource niya. 

Sabi ni Chua, dumadami talaga ang job opportunities sa sektor ng renewable energy dahil kailangan ng skilled workers sa pag-install ng equipment at pati sa maintenance nito. 

Ayon naman kay Cristina Martinez, senior specialist on environment and decent work ng ILO, maganda ang environment ng Pilipinas para sa 'green jobs' dahil may suporta ng iba’t ibang sektor at nasa kultura na rin ng mga Pinoy ang pangangalaga sa kalikasan. 

Dagdag pa ni Martinez, malaking oportunidad din ito para sa mga Pilipino. 

Mas dadami ang mangangailangan ng skilled workers sa 'green economy' gaya ng solar PV technical engineer, wind turbine service technician, electrical engineer, at power resources manager.

Malaki umano ang bentahe ng mga manggagawa na maituturing na skilled o may kasanayan sa mga bagong teknolohiya. 

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.