4 na lumang bomba nahukay sa La Union

Marc Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2017 12:12 AM

Nahukay ang dalawang lumang bomba sa Caba, La Union nitong nakaraang linggo. Handout

Apat na lumang bomba ang nahukay sa Caba at San Fernando City, La Union nitong nakaraang linggo.

Naghukay umano ng compost pit ang isang residente sa gilid ng kanyang bahay sa Barangay Santiago Norte, Caba nitong Huwebes nang may dalawang bomba na bumungad sa kanya — isang Japanese mortar at hand grenade.

"Siyempre natatakot ako baka kung itago ko iyon, pumutok pa sa bahay kaya iyon nasa isip ko sa sobrang takot ko sinurrender ko na sa mga pulis," ayon sa residente.

Ayon kay Police Insp. Leopoldo Galap, hepe ng Caba Municipal Police Station, delikado pa rin ang mga nakitang bomba kahit luma na.

"Hindi tayo maniwala na kapag kinakalawang ay hindi na puputok. Siyempre sa totoo lang, sir, kahit ilang taon na iyong mga granada maaari pa rin gumana," aniya.

Sabado naman nang mahukay ang dalawa pang vintage bomb sa Canaoay, San Fernando City.

Posibleng mula rin ang mga ito sa panahon ng pananakop ng mga Hapon.

Nagpaalala ang pulisya sa mga residente na ipaalam agad sa mga pulis kung may nakitang unexploded explosive ordnance.

"In case po na may makakita po ulit i-contact na lang po ang office na ito. We will ask the assistance of EOD ng Region 1 for proper (disposal) of any unexploded explosive ordnance," ani PO3 Ananias Ramos.

Hawak na ng explosive ordnance disposal branch ng Philippine National Police Region 1 ang mga nakitang bomba.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.