3 magkakapatid, patay sa sunog sa Sarangani

Giesaril Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2017 07:26 PM

Tatlong magkakapatid, kabilang ang kambal, na iniwang walang kasama ang namatay nang masunog ang kanilang bahay at ilang iba pa sa Glan, Sarangani province, Martes ng hapon.

Sunog na sunog ang mga bangkay nina Carlito, 3-taong gulang, at kambal na sina Shaira Mae at Shaira Jane Abellanosa na magdiriwang sana ng kanilang ikalawang kaarawan ngayong Biyernes.

Ayon sa ilang residente, naalarma sila nang marinig ang iyak ng tatlong bata at humihingi ng saklolo mula sa nasusunog nilang bahay sa PC Reservation sa Barangay Poblacion.

Wala raw ang ina ng mga bata kaya tinangka pa raw nilang isalba ang mga ito pero naka-kandado umano ang bahay.

Napahagulgol naman ang kanilang ina sa sinapit ng mga bata.

Ayon sa kanilang ina na si Annabelle, iniwan niya ang mga bata kahapon para maghatid ng pagkain sa isa pa nilang anak na nasa ospital.

Wala raw siyang mapag-iwanan sa mga bata kaya nagdesisyon siyang gawing harang sa pintuan ang kutsilyo para hindi mabuksan at hindi makalabas ang mga ito.

Nadala na raw kasi ito dahil muntik na rin masagasaan ang mga bata matapos lumabas ng bahay ng hindi niya alam.

Apat na beses niya na raw iniwan ang mga bata pero 'di niya akalain na noong Lunes na ang huling pagkakataon na masisilayan niyang buhay ang mga anak.

Wala ang kanilang ama dahil nagtatrabaho bilang construction worker sa Bohol.

Bukod naman sa kanilang bahay, nasunog rin ang limang iba pa at bahagya pang nadamay ang isang bahay.

Walang nasalbang gamit ang mga nasunugan.

Sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, posibleng posporo ang sanhi ng sunog.

Kahapon raw kasi ng umaga, nakita ng ina ng mga bata na naglalaro ng posporo ang panganay na si Carlito. Iniligpit naman raw ito ng ina pero baka nakita rin daw ng bata at muling pinaglaruan.

Sa ngayon, patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection sa sanhi ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.