SAPUL SA VIDEO: Guro, nanampal ng 4 na estudyante

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2017 06:19 PM | Updated as of Sep 26 2017 10:27 PM

Nakuhanan sa video ang pananampal ng isang guro sa apat na estudyante sa Aglipay, Quirino.

Katuwaan lang sana ang pagkuha ng cellphone video ng mga estudyanteng nagkakantahan sa isang classroom.

Nahinto ang katuwaan ng mga estudyante nang biglang pumasok sa silid-aralan ang isang guro.

Tinanong sila ng guro kung may klase sila.

Sumagot ang isang estudyante, pero sampal ang inabot niya.

Sunod ding sinampal ang tatlo pang estudyante.

Hindi na nakunan ng video, pero ayon sa mga estudyante, sinaktan pa raw sila ng guro pagdating nila sa silid-aralan niya.

Maaari raw ikinagalit ng guro ang pagliban sa kaniyang klase ng apat na estudyante.

Paliwanag ng isa sa mga estudyante, na-late daw kasi sila para sa klase kaya naisip nilang huwag nang pumasok at manatili na lang sa isang bakanteng classroom.

Ayon sa isa pang estudyante, sana'y hindi na lang sila sinampal at dinala na lang sa guidance counselor.

Dagdag din ng isa pang napagbuhatan ng kamay, hindi aniya tama para sa isang guro na manakit ng estudyante.

Nitong Martes, Setyembre 26, hindi na pumasok ang dalawa sa mga sinampal na estudyante.

Plano naman ng magulang ng isa sa mga sinampal na estudyantng magsampa ng reklamo laban sa guro.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang guro.

Magsasagawa na ng imbestigasyon kaugnay sa insidente ang Department of Education.

Ayon naman sa schools division superintendent, labag sa child protection policy ang ginawang pananampal ng guro.

Hinihintay ng Department of Social Welfare and Development ang isasampang reklamo ng mga magulang ng mga estudyante laban sa guro.

-- Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.