PNP-HPG at Grab, nagkasundo sa laban kontra droga

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2017 02:20 PM | Updated as of Sep 26 2017 09:12 PM

Sumailalim sa pagsasanay nitong Martes ang ilang driver ng ride-hailing application na Grab upang maiwasang magamit bilang "delivery boy" ng mga ilegal na droga.

Bunga ito ng pahayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Lunes na ginagamit ang mga driver ng mga ride-hailing application, gaya ng Grab at Uber, upang maghatid ng mga droga nang hindi nila nalalaman. 

Pinangunahan ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang road safety at security training ng mga driver na idinaos sa Camp Crame.

Itinuro sa mga driver ang mabilis na pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad sa pagkakataong haharap sila sa mga krimen sa kalsada.

Pumirma rin ang mga kinatawan mula Grab at PNP-HPG ng isang kasunduang naglalayong labanan ang krimen at droga.

Dumalo sa okasyon sina Police Chief Supt. Arnel Escobal, pinuno ng PNP-HPG, at Brian Cu, pinuno ng Grab Philippines.

Ayon kay Escobal, nakikipag-ugnayan na ang kanilang tanggapan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay sa pahayag ng PDEA.

Sinabi rin ni Escobal na alinsunod sa nilagdaang kasunduan, pumayag ang Grab na ipabusisi ang mga kahinahinalang mga ipapadalang gamit sa mga driver upang maiwasan ang modus ng mga kriminal.

-- Ulat nina Henry Atuelan at Jacque Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.