Lalaki patay matapos manaksak ng pulis sa Negros Occidental

Barbara Mijares, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2017 10:25 PM

Patay ang isang lalaki matapos mag-amok at manaksak ng pulis sa Salvador Benedicto, Negros Occidental ngayong Martes.

Nagtamo ng saksak sa parehong tuhod si SPO2 Alfredo Chavez Jr. matapos atakehin ni Danilo Loquiro, 27.

Ayon kay Sr. Insp. Joevito Bose, hepe ng Salvador Benedicto Police, ipinadala niya ang kanyang mga tauhan para rumesponde sa natanggap nilang reklamo mula sa Pentecostal Missionary Church of Christ.

Ayon kay Pastor Jason Estimo, naging agresibo na umano si Loquiro at sinunog ang mga Bibliya at song books ng simbahan noong Linggo.

Ang bumaril umano kay Loquiro ay ang mga kasamahang pulis ni Chavez.

Isinugod sa regional hospital si Chavez upang operahan. Nagtamo naman ng sugat mula sa bala ng baril si Loquiro sa kanyang ulo at dibdib.

Nakuha sa crime scene ang tatlong bala ng isang 9-mm pistol at isang patalim.

Ayon kay Estimo, hindi umano nila kilala ang kamag-anak ni Loquiro na sinasabing taga bayan ng Ilog.

Binigyan umano nila si Loquiro ng matitirahan matapos nilang makita itong pagala-gala sa lansangan ng Salvador Benedicto, apat na taong nakalipas.

Sa kasalukuyan, wala pa umanong kumukuha ng katawan ni Loquiro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.