Grab driver, ginawang courier ng ecstasy

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2017 09:34 PM | Updated as of Sep 26 2017 10:23 PM

Tinutunton na ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG) ang nagpadala ng mga tableta ng ecstasy sa isang Grab rider.

Kuwento ng Grab Express rider na si alyas "Tony", sa isang pick-up point sa Maynila iniabot sa kaniya ng sender ang sobre.

Agad umalis si Tony matapos pirmahan ng sender ang papeles ng Grab.

Natuklasan ni Tony na mga tableta pala ang laman ng sobre nang kapain ito habang nagpapagasolina papunta sa lugar na paghahatiran ng ipinadala.

Sa takot, dumeretso si Tony sa opisina ng Grab upang iulat ang kahina-hinalang laman ng sobre.

Natakot si Tony na baka minamatyagan ang lugar na paghahatiran at masangkot siya sa kasong droga.

Batay sa imbestigasyon, lagpas 50 beses nang nagsagawa ng transaksiyon sa Grab ang sender.

Inaalam pa ng pulisya kung ilegal na droga ang laman ng mga dating ipinadala.

Ayon sa PNP Drug Enforcement Group, hindi bago ang paggamit sa mga courier o rider upang magpahatid ng kontrabando.

Unang natuklasan ang modus noong Abril sa kaso ng Koreanong si Jun No.

Nakuha ng mga pulis ang cellphone ni Jun na naglalaman ng mga text message ng paggamit ng suspek ng serbisyo ng Grab upang magbenta ng droga.

Nitong Hulyo, isang babae ang nagpadala ng pitakang may lamang marijuana sa isa ring Grab Express rider.

Kasunduang labanan ang droga, krimen

Nitong Martes, Setyembre 26, pumasok ang PNP at Grab sa isang kasunduang naglalayong hulihin ang mga ilegal na nagbebenta ng droga.

Nakapaloob sa kasunduan na maaaring isumbong ng mga Grab driver sa mga awtoridad ang mga pinaghihinalaang pakete para mahuli ang sender at recipient o tatanggap ng droga.

Hiniling ng PNP-DEG sa mga driver na tiyaking makuha ang pagkakakilanlan ng mga nagpapadala sa pamamagitan ng mga identification card.

Nanawagan ang PNP sa Grab Express rider na ipagbigay-alam agad sa kanilaang mga kasong nagpapadala ng ilegal na druga upang mahuli agad ang mga salarin.

Nauna nang ipahayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ginagamit bilang tagapaghatid ng droga ang mga transport network vehicle service (TNVS) ng Grab at Uber.

Paliwanag ng PDEA, taliwas sa mga courier service, walang paraan upang malaman ng mga driver ng TNVS kung kontrabando ang ipinapadala sa kanila.

Sa Grab rider din ipinadala ang bombang sumabog sa Quiapo noong Mayo, na ikinasawi ng nagdala.

Ayon sa Grab, maaaring tanggihan ng mga driver ang isang package kapag tumanggi ang sender na pabuksan ito.

Kailangang isagawa ang inspeksiyon habang iniaabot ito ng sender sa Grab driver.

Handa rin ang Grab na ibigay sa mga awtoridad ang datos ng sender sa pagkakataong pinaghihinalaang sangkot ito sa pagpapadala ng kontrabando.

Pero ayon sa PDEA, natutunan na ng mga sindikato na gumamit ng pekeng pangalan sa prepaid sim cards para maiwasan na matunton ng awtoridad.

Sa pagsasanay na idinaos ng PNP-HPG para sa mga Grab driver, tinuruan ang mga driver na kumilala ng mga maanomalyang package.

Bukod sa Grab, sinabi ng PNP-HPG na bukas sila sa pagbibigay ng pagsasanay sa ibang kompanyang may kinalaman sa transport network.

-- May ulat nina Maan Macapagal, Jacque Manabat at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.