Dating may-akda ng FOI, bumanat sa buradong SALN ng mga gabinete

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2017 08:23 PM

Hindi kumbinsido ang dating mambabatas na si Erin Tañada sa dahilan ng Palasyo kung bakit burado ang mahahahalagang detalye sa statements of assets, liabilities, and net worth (SALN) ng ilang miyembro ng gabinete. 

Sa kopya kasi ng SALN na ibinigay ng Malacañang sa Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), markado ng itim na tinta o "redacted" ang ilang detalye gaya ng pangalan ng mga anak, address at unang halaga ng pag-aari ng mga opisyal.

Depensa ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, kailangan daw protektahan ang mga "sensitibong impormasyon" na nakatala sa SALN para sa seguridad ng mga opisyal at pamilya nito.

Pero paliwanag ni Tañada, na siya ring principal author ng Freedom of Information (FOI) bill noon sa kamara, lumalabnaw umano ang epekto ng SALN kapag tinatadtad ito ng bura.

"Wala naman tayong naririnig na public official, because nag-release ng SALN na detalyado, hinarass in the past. Of course, they would say baka ngayon ma-harass. I don't think so," ani Tañada.

Nais din ni Tañada na kuwestyunin sa Korte Suprema kung legal ba ang ginawang pagbubura sa mga detalye sa SALN, at para na rin magkaroon ng pinal na desisyon kung ano ang mga impormasyon na puwedeng isa-publiko.

Mainam din daw na maisabatas na ang FOI law para maiwasan ang katiwalian sa gobyerno.

Sa kasalukuyan, isang executive order lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang gumagabay sa paglalabas ng iba't ibang impormasyon na sakop ng ehekutibo.

Sa isang press conference Martes, sinabi ng isang opisyal ng National Privacy Commission na hindi kinailangang takpan ang ilang detalye sa mga SALNs ng mga miyembro ng gabinete. 

Ayon naman kay Presidential Communications Assistant Secretary Kris Ablan, kapag hiniling ay maglalabas ang Palasyo ng panibagong mga kopya ng SALNs kung saan makikita na ang mga detalyeng naunang tinakpan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.