2 nagulungan ng trak sa Maynila, patay

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2017 10:08 AM

MAYNILA - Dalawa ang patay matapos magulungan ng trak sa magkahiwalay na insidente sa siyudad, Lunes ng gabi.

Pasado alas-11:00 ng gabi nang mabundol at magulungan ng trak ang di pa nakikilalang lalaki sa Bonifacio Drive sa Intramuros.

Hindi na makilala ang mukha ng biktima at nagkalasog-lasog din ang ilang bahagi ng kanyang katawan.

Kinilala ang drayber ng 18-wheeler truck na si Jobin Ilao Indicio, na tinangka pa umanong tumakas bago maabutan sa Delpan.

Samantala, isa pang di nakikilalang lalaki ang nagulungan ng trak sa Road 10, Pacheco, Tondo.

Ayon sa pahinante ng trak, paparada na sila nang biglang nagsigawan ang mga tao.

Hindi aniya nila alam na may sumabit sa likod ng kanilang trak at nalaman na lang nila na ito ay nahulog at kanilang nagulungan.

Nanginginig naman ang drayber ng trak na si Eugene Madrona dahil hindi niya akalaing may tao sa likod nila.

Kakasuhan naman ang dalawang drayber ng reckless imprudence resulting in homicide.