2 magkaangkas sa motor sinalpok ng kotse, patay

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2017 09:49 AM

MANILA - Patay ang dalawang magkaangkas sa motorsiklo matapos salpukin ang kanilang sinasakyan ng isang kotse sa Barangay Mariana, New Manila, bandang alas-10:00 kagabi.

Kinilala lamang ang dalawang biktima sa pangalang Lovely, isang masahista, at Rolanda, drayber ng masahista. Pabalik sana ang 2 sa opisina galing sa home service nang maaksidente.

Umaambon nang baybayin ng dalawa ang Doña Hemady Street. Nang patawid na sa 6th Street, isang kotse mula sa kaliwa ang sumalpok sa kanilang motorsiklo.

Sa kuha ng CCTV, makikita pang tumilapon sina Lovely at Rolando nang masalpok ng kotse ang motorsiklo. Sinubukan pang umupo ni Lovely pero maya-maya lang napahiga na ito at di na kumilos.

Naisugod pa ang mga biktima sa ospital pero idineklara rin silang dead on arrival.

Kinilala naman ang nakabanggang drayber na si Kathleen Asid, isang transport network vehicle driver. Tumanggi siyang magbigay ng pahayag.

Ayon kay PO2 Nurdi Mursidi, posibleng nakaapekto sa pagmamaneho ng drayber ang visibility nang mga oras na iyon, lalo't umaambon.

Posible namang maharap si Asid sa kasong reckless imprudence resulting to damage to property, with homicide and serious physical injury.