16-anyos na lalaki, natagpuang patay sa Cabuyao, Laguna

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2017 09:47 PM

Natagpuang nakabalot sa sako ang katawan ng 16-anyos na lalaki sa Cabuyao City, Laguna noong Biyernes.

CABUYAO CITY - Nakabalot sa itim na plastik at sako ang katawan ng 16-anyos na lalaki nang matagpuan sa isang creek sa Barangay Marinig, Cabuyao City, Laguna noong Biyernes ng hapon.

Ayon sa inisiyal na imbestigasiyon, nagtamo ng taga sa ulo ang biktima.

“Dito namin nakita meron siyang mga taga sa parteng likuran ng kanyang ulo, siguro humigit kumulang tatlo o apat na taga,” ani PO3 Lydio Lajara, imbestigador ng Cabuyao City Police.

Lumalabas naman sa tala ng pulisya na talamak umanong magnakaw ang biktima.

“Ayon sa aming talaan sa barangay ay talagang marami na pong record iyang batang iyan. Bagkus may nagduda dahil talagang hindi naman nakukulong iyan tapos pinapayuhan pa ng aming barangay na huwag nang uulitin pero paulit-ulit naman ho iyan,” ani Alan Biala, opisyal ng Barangay Marinig.

“Meron din siyang record dito pero dahil sa minor siya ay itinu-turn over lang ng ating kapulisan sa DSWD,” ani Lajara.

Bagay na pinabulaanan naman ng ina nitong si Lilibeth.

"Iyon nga hong kwento sa mga taong ganun kasi marumi ang isip kasi sa lugar na ito anak ko lang ba ang magnanakaw?” ani Lilibeth.

Hinala naman niya, personal na alitan ang pinagmulan ng krimen.

“Kasi po ang hinala ko yung pinsan niya nung time nung Miyerkoles eh tsaka kuwento nung isang kapatid niya na nakapagkuwento sa anak ko na may asawa na, may itak daw iyon na naglalakad nung gabi na iyon,” ani Lilibeth.

Patuloy ang imbestigasiyon ng Cabuyao City Police para matukoy ang responsable sa pamamaslang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.