'Mistaken identity': Binatilyong 'napagkamalan', pinagbabaril sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2017 08:24 PM | Updated as of Sep 25 2017 09:10 PM

Patay ang 13 anyos na binatilyo matapos pagbabarilin ng lalaking sakay ng motorsiklo sa Pasay City.

Sa kuha ng CCTV, kita ang pagdaan ng isang motorsiklo sa kanto ng Tramo at Inocencio Street nitong Linggo, Setyembre 24.

Ilang segundo lang, mapapansin sa kuha ang kumpulan ng mga residente.

Nakasalampak na pala ang 13 anyos na Grade 6 student na si Jayross Brondial alyas "Boyet".

Ayon sa kagawad ng barangay na si Tony Bacsal, nakita niyang tumayo pa si Boyet at nakalakad pa aniya ang biktima ng mga dalawa hanggang tatlong hakbang at saka bigla na lamang tumumba.

Kita rin sa video ang ina ni Brondial na halos maglupasay sa pag-iyak.

Nadala pa sa ospital ang binatilyo pero binawian rin siya buhay.

Hinala ng barangay, biktima ng "mistaken identity" ang binatilyo.

Paliwanag ni Bacsal, mayroon na aniyang itinuturong tao sa kanilang lugar na pinagpaplanuhang "itumba".

Samantala, sa lugar kung saan binaril ang biktima, kitang tumagos pa ang bala sa isang kahoy na upuan at mayroon ding tumama sa isang pader.

Bumuo na ng isang team ang Pasay City police upang tumutok sa pagpatay kay Brondial.

Bukod sa anggulong mistaken identity, tinitingnan din ng mga pulis ang posiblidad na may kaugnayan sa gang war ang insidente.

Una na ring nasangkot sa krimen ang ibang kapatid ni Brondial, ayon sa mga pulis.

-- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.