Mediamen isasama sa police ops; sumailalim sa safety training

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2017 12:22 PM

Sumailalim sa pagsasanay ang mga lokal na mamamahayag sa Tacloban, Leyte upang paghandaan ang pagsama sa mga operasyon ng pulis.

Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na isama ang mga miyembro ng media sa mga drug operations upang mapatunayang hindi nagsasagawa ng extrajudicial killings ang mga awtoridad sa mga drug suspects.

Pinangunahan ni Police Chief Superintendent Gilberto Cruz ang security at safety training.

Tinuruan ang mga mamamahayag na gumamit ng baril.

Nilinaw naman ni Cruz na hindi maaaring magdala ng baril ang mga mamamahayag sa tunay na operasyon.

Aniya, ang pagturo sa paghawak ng baril ay upang hindi kabahan ang mga mamamahayag sa pagkakataong makarinig sila ng putok habang nasa tunay na operasyon.

Pinagsuot ng mga bulletproof vest at Kevlar helmet ang mga cameraman.

Ipinakabisa rin sa mga miyembro ng media ang mga lugar. Kadalasan kasi umanong tinatanong ito ng korte sa mamamahayag na saksi sa drug raid.

Umaasa ang kapulisan na sa pagsama ng media sa mga operasyon, mababawasan ang pagdududa ng publiko sa giyera kontra droga ng pamahalaan.

-- Ulat ni Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.