Mag-live-in-partner sa Cebu, natagpuang patay

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2017 03:58 PM

Natagpuang patay sa kanilang tirahan sa Barangay Lahug sa Cebu nitong Linggo, Setyembre 24, ang isang mag-live-in partner.

Kinilala ang mga nasawi bilang sina Pruana Apole, 48 anyos na negosyante, at si Jerson Lawas, 29 anyos.

Ayon kay PO3 Jeffrey Gutual, imbestigador ng Cebu City Police Homicide Section, mayroong isang saksak sa dibdib si Apole habang may laslas sa pulso at tama ng bala sa ulo si Lawas.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang isang kutsilyo at caliber .22 na baril.

Ayon sa homicide section, nakitaan ng mga palatandaan ng pagpupumiglas ang kuwarto kung saan natagpuan ang dalawa. Hinala nila, pinatay ng mag-live-in partner ang isa't isa.

Ikinuwento ng mga kapitbahay na nakarinig umano sila ng bangayan sa pagitan ng dalawa subalit wala silang nagawa dahil naka-lock umano ang kuwarto.

Kinailangan pang sirain ng mga tumugon na pulis ang lock upang mabuksan ang kuwarto.

Sinabi ng isang tauhan ni Apole na unang nagkaroon ng pagtatalo ang mga biktima noong Biyernes, Setyembre 22.

Tinitingnan ng mga awtoridad ang selos bilang motibo ng krimen.

-- Ulat ni Rhea Soco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.