Babala ng LTFRB: Mga nagtigil-pasada, tatanggalan ng prangkisa

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2017 08:15 PM

Tinatayang 5,000 pasahero ang apektado ng tigil-pasada

Nasa alanganin ngayon ang mga prangkisa ng mga sumali sa tigil-pasada dahil na rin sa epekto nito sa mga pasahero, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

"We know the route, the plate numbers at alam ho namin ang cooperative na involved. Definitely they will be held accountable because this is a violation of the terms and conditions ng prangkisa ng LTFRB," ayon kay LTFRB spokesperson Atty. Aileen Lizada sa panayam ng DZMM.

"Huwag po silang masosorpresa kung magkakansela tayo ng prangkisa ngayon," dagdag niya.

Sinadya rin ng LTFRB ang isang jeepney terminal sa Mandaluyong City dahil may mga ulat na diumano'y pinipilit ang mga jeepney driver doon na sumali sa tigil-pasada.

Nitong Lunes, Setyembre 25, nagsimula na ang malawakang tigil-pasada ng grupong Stop and Go transport coalition. 

Hindi raw kasi sila pinakikinggan ng gobyerno laban sa modernisasyon ng mga pampublikong jeep. 

Pasado alas-7 ng umaga nang magsimulang mag-rally ang grupo sa harap ng tanggapan ng LTFRB.

Ayon sa convenor ng Stop and Go na si Jun Magno, ang pagra-rally ang tanging paraan nila upang mapakinggan ang kanilang hinaing sa pamahalaan.

Lumahok sa protesta laban sa jeepney modernization ang mga miyembro ng Stop and Go sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon.

Dagdag pa ng grupo, dahil sa kanilang isinagawang tigil-pasada, nagawa nilang maparalisa ang biyahe sa Bulacan.

Wala namang ibang transport strike sa naitala sa iba pang bahagi ng bansa.

Pero hirit ng grupong Stop and Go, uulitin daw nila ang mas malakas at mas malawak na mga protesta para tuligsain ang makabago pero mas mahal na unit ang mga jeepney na 15 taon nang pumapasada.

Nagkakahalaga ang mga electric jeep ng P1.6 milyon. Kahit may alok na P80,000 na subsidy ang pamahalaan, kakailanganin pa ring magbayad ng mga driver ng P800 kada araw sa loob ng 7 taon para mabili ito, ayon kay Magno.

Malabo aniyang mabuno ito ng mga driver na kasalukuyang nagbabayad ng nasa P600 na boundary at kumikita lang ng P200 hanggang P300.

Pinabulaanan din ni Lizada na hindi kakayanin ng bulsa ng mga driver ang modernization plan.

Aniya, kikita nang mas malaki ang mga driver gamit ang mga e-jeepney dahil kaya nitong magsakay ng hanggang 32 pasahero at mas maliit din ang maintenance cost.

Mas magiginhawaan din aniya ang mga pasahero sa makabagong jeepney na air-conditioned, may ligtas na babaan at sakayan sa tagiliran, at akma sa pangangailangan ng persons with disabilities.

Wala pang 1% ang apektado

Base sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng LTFRB, 5,000 commuters ang naapektuhan ng strike.

Sa taya ng MMDA, wala pa ito sa 1% ng jeepney commuters sa buong bansa.

Sa Commonwealth sa Quezon City, hindi naiwasan ng ilang commuter na mag-agawan sa iilang jeepney na pumasada bago ang transport strike.

Pinili naman ng ilang pasahero sa Monumento na sumakay na lang ng tren ng LRT kaysa magbakasali sa paghihintay ng jeep.

Nagpakalat din ang gobyerno ng 70 bus para mag-alok ng sakay sa mga apektadong pasahero.

-- May ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.