49 taga-Navy, inalis muna sa puwesto dahil sa pagkamatay ng 2 Vietnamese

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2017 10:58 PM

Inalis muna sa puwesto ang 49 na tripulante ng BRP Malvar habang iniimbestigahan ang pagkamatay ng dalawang Vietnamese na ilegal umanong nangingisda sa dagat na sakop ng Bolinao, Pangasinan. 

Ito'y habang iniimbestigahan kung nagmalabis ang mga tripulante sa paggamit ng puwersa habang hinahabol ang fishing vessel ng mga dayuhan.

Ayon sa ulat ng Philippine Navy, namataan ng barkong BRP Malvar noong Sabado, Setyembre 23, ang isang Vietnamese fishing vessel sa dagat na sakop ng Bolinao.

Tinangkang makipag-ugnayan sa radyo ng mga miyembro ng Philippine Navy sa mga nasa fishing vessel.

Pero tumakas umano ang sasakyang pandagat kaya hinabol ng Philippine Navy.

Nagpakawala rin sila ng warning shot.

Nang maabutan ang fishing vessel, tumambad sa Philippine Navy ang bangkay ng dalawang Vietnamese.

Kinumpiska sa mga dayuhan ang ilang ilegal na kagamitan sa pangingisda.

Tumangging magbigay ng pahayag ang limang iba pang Vietnamese na mangingisdang nahuli rin sa engkuwentro.

Binisita naman sila ng ilang kapwa-Vietnamese at dinalhan ng pagkain.

Iginiit ng Philippine Navy sa isang inter-agency meeting na sinunod lang nila ang mga patakaran nang putukan ang bow o nguso ng fishing vessel.

Anim na tama ng bala ang nakita sa bow, port side, at stern ng fishing vessel.

Sa ngayon, hindi pa nakakasuhan ang limang nahuling Vietnamese na mangingisda.

Tiniyak ng Malacañang na nakikipag-ugnayan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa embahada ng Vietnam ukol sa imbestigasyon.

Nangako rin ang DFA na magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon sa insidente.

Setyembre 2016 nang pakawalan ng Philippine Navy ang 17 na mangingisdang Vietnamese na nahuli sa karagatang sakop naman ng Vigan, Ilocos Sur. 

-- Ulat ni John Germono, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.