7 sugatan sa salpukan ng bus, tricycle sa Camarines Sur

Jessa Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2017 02:12 AM

CCTV footage mula sa Honda Camarines Sur

Sugatan ang pitong katao matapos magsalpukan ang isang tricycle at bus sa Maharlika Highway, Barangay San Jose, bayan ng Pili, Camarines Sur ngayong Sabado.

Isinugod sa Bicol Medical Center ang mga sugatang sina: Joseph Oribiada, Edilberto Flororita, Grace Flororita, Arnel Clores, Maria Teresa Bustinera, Raquel Ordejon at Connie Daguro.

Sumuko naman sa pulisya ang driver ng pampasaherong bus na si Rodel Mayon, 37. 

Ayon kay Mayon, mabagal umano ang kanyang pagmamaneho dahil mabigat ang daloy ng trapiko.

Nabigla umano siya nang makita sa kanyang linya ang tricycle na minamaneho ni Oribiada. Hindi niya na umano ito naiwasan kaya tuluyang nagkasalpukan ang dalawang sasakyan.

Ayon kay PO2 Archie Pineda, tumutugma ang salaysay ni Mayon sa mga kuhang CCTV footage sa lugar.

“Ang may problema ang tricycle, dahil base sa CCTV na nakuha sa area, iyong tricycle ang nag-overtake tapos pumasok sa linya ng nasabing bus,” ani Pineda.

Dalawang CCTV camera ang nakakuha ng insidente — isang tindahan ng sasakyan at tindahan ng bubong. 

Makikita na may kabagalan na binabagtas ng bus na galing Naga City papuntang Legazpi ang Maharlika Highway, habang ang tricycle na mabilis ang takbo ay iniwasan ang sinusundang asul na kotse kaya napilitang mag-overtake.

Dahil dito, wala umanong pananagutan ang driver ng bus kaya tuluyan ding lumaya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.