Primary suspect sa kaso ni 'Atio', sumuko na

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2017 12:42 AM

Kusang sumuko sa opisina ni Senador Panfilo Lacson nitong Byernes si John Paul Solano, ang tinuturong primary suspect kaugnay sa pagkamatay ng University of Santo Tomas (UST) law student na si Horacio “Atio” Castillo III.

Pahayag ni Lacson, siniguro niyang ligtas ang magiging pagsuko ni Solano.

“Sinundo siya (Solano) nung mga pinag-escort ko kasi baka naman maharang sa daan… baka [kasi] mayroong maka-intercept, ma-interdict, siyempre ang commitment ko is to secure them hanggang [sa] makarating dito,” ayon kay Lacson.

Ayon naman kay UST Civil Law dean Nilo Divina, magkaibigan ang kanyang pamilya at ang pamilya ni Solano.

“I asked my father to relay to the father of John [Paul Solano that] it’s better for [his son] to surrender — and what he (Solano) told to my father is he only tried to revive the victim (Horacio Castillo III) and he was not involved in the hazing incident. [For me] it’s better to come out, speak the truth and explain his side,” ayon kay Divina.

Samantala, sa unang pagkakataon, humarap sa media si Solano na inaming siya si “Popoy” sa kumalat na screenshot ng usapan ng mga miyembro ng Aegis Jvris fraternity.

Pero nilinaw niyang wala siya sa mismong hazing. 

Aniya, tinawagan lang siya para magbigay ng medical assistance kay Castillo.

“They were in chaos that time so I was not there, they need medical assistance, [and] I’m a medical health provider,” ani Solano.

Ayon kay Solano, nang dumating siya ay naghihingalo na si Castillo.

“He’s unconscious, I did give him a CPR (cardio-pulmonary resuscitation) and then when I can’t do anything else, I brought him to the hospital,” dagdag ni Solano.

Hindi rin umano siya ang nag-recruit kay Castillo sa fraternity dahil hindi siya isang law student.

Humingi rin si Solano ng patawad sa pamilya ni Castillo.

Giit pa ni Solano, naglakas-loob na siyang humarap dahil nagiging malala na aniya ang sitwasyon.

Ayon naman kay C/Supt. Joel Napoleon Coronel, hepe ng Manila Police District, maaaaring gawing state witness si Solano depende sa magiging usad ng kaso.

Matapos sumuko kay Lacson ay ibinigay si Solano sa kostudiya ng mga pulis sa MPD Headquarters. Sasailalim siya sa normal na booking process, kukunan ng mugshot, fingerprint at medical exam.

In-inquest din siya sa kasong perjury at paglabag sa anti-hazing law.

Hindi pa matiyak kung saang detention cell dadalhin si Solano.

-- Ulat nina Kori Quintos at Jeck Battalones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.