Bise alkalde ng bayan ng Roxas sa Oriental Mindoro, patay sa pamamaril

Val Balita, ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2017 05:33 PM

Patay ang bise alkalde ng bayan ng Roxas sa Oriental Mindoro matapos pagbabarilin Biyernes ng hapon.

Ayon sa pulisya, nanonood ng TV si vice-mayor Jackson Dy, 58, habang nagpapa-carwash nang biglang lapitan ng isang lalaki.

Tinamaan ng bala sa likod ng ulo si Dy, na naging sanhi ng agaran nitong pagkamatay.

Kaagad namang tumakas ang gunman sakay ng motorsiklong minamaneho ng isa pang hindi pa natutukoy na lalaki.

Sa tulong ng mga testigo, kinilala ang gunman bilang si Benjamin Buruanga, 42.

Ayon kay Police Chief Insp. Aldwin Santos, hepe ng Roxas Police, kalalaya lamang ng suspek noong Setyembre 13 matapos ma-dismiss ang kanyang kasong murder.

Paghihiganti naman ang nakikitang motibo sa pagpatay sa opisyal.

Lumabas sa imbestigasiyon na dati nang naipakulong ng bise alkalde si Buruanga.

Sa mga may impormasiyon sa kinaroroonan ng supek, maaaring makipag-ugnayan sa hotline ng Roxas Police: 0927-894-7440 at 0998-967-4575.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.