44, arestado sa anti-criminality operation sa QC

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2017 10:28 AM

MANILA - Dinala sa presinto ang 44 na indibidwal sa isinagawang anti-criminality campaign ng La Loma Police Station sa lungsod Quezon, Sabado ng umaga.

Kasama sa mga ito ang 37 mga lalaking lumabag umano sa mga ordinansang nagbabawal sa pag-inom sa mga pampublikong lugar, at paglabas na walang suot na pang-itaas.

Pitong menor de edad naman ang dinampot ng mga pulis dahil sa paglabag sa curfew hours.

Nahuli ang mga indibidwal sa pag-iikot ng mga pulis sa Barangay Apolonio Samson, Barangay Manresa, Barangay Salvacion at Barangay Santo Domingo.

Ang parusa sa unang paglabag ay pag-eehersisyo. 

Kapag nakitang pangalawang beses nang nahuli ay kakasuhan na sila. Isang araw hanggang isang buwan na pagkakakulong at danyos na P500 hanggang P2,000 ang maaaring ipataw.

Ayon sa mga pulis, bago patawan ng parusa ay isasailalim muna ang mga indibidwal sa pagsusuri, upang malaman kung mayroon silang standing warrant of arrest o criminal record.

Samantala, ang mga menor-de-edad na unang beses lumabag sa curfew ay ilalagay sa kustodiya ng barangay. Ang mga dati nang nahuli ay maaaring ipakulong na ang mga magulang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.