2 suspek sa pamamaril, napatay sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2016 08:28 PM

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Brgy. Sagad, Pasig City, Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Romeo Natural Vaquez alyas ''Boy Mirna'', 52 taong gulang.

Ayon sa Pasig City Police, tiyempong nagsasagawa ng buy-bust operation sa naturang lugar ang mga operatiba nila nang makarinig sila ng putok ng baril.

Natunton ng mga pulis ang dalawang suspek at nagkaroon ng habulan nang subukang tumakas ng mga ito.

Nauwi sa engkuwentro ang pagtugis nang magpaputok na umano ng baril ang mga suspek.

Patay ang mga suspek na nakilalang sina Romulo Martin alias Tikyo ng Bgy. Pinagbuhatan at Rigor Nolasco alyas ''Igo'' ng Bgy. Rosario.

Narekober sa kanila ang isang kalibre .38 at kalibre .45 na baril, at 12 sachet ng hinihinalang shabu.

Napag-alamang kabilang ang biktima at mga suspek sa drug watchlist ng kani-kanilang barangay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.