Oil tanker, sinunog ng mga hinihinalang NPA sa Agusan del Sur

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2017 01:56 AM

Sinunog ng mga nagpakilalang kasapi ng New People's Army ang isang oil tanker sa Agusan del Sur, Huwebes ng umaga. Retrato mula sa Trento Municipal Police Station

Sinilaban ng nagpakilalang mga kasapi ng New People's Army ang isang oil tanker na may kargang crude palm oil sa Trento, Agusan del Sur, Huwebes ng umaga.

Ayon kay Chief Insp. Renel Serrano, mahigit kumulang 40 na armadong lalaki ang humarang sa tanker at pinababa ang driver bago pa ito sinunog.

Binuhusan umano ang tanker ng dalawang galon ng gasolina at matapos nito, agad tumakas ang mga armadong lalaki.

Tinatayang aabot sa higit P2 milyon ang halaga ng mga nasunog na tanker kasama na ang laman nitong crude palm oil.

Ikinasa na ang pursuit operation ng Provincial Public Safety Company ng Agusan del Sur at 25th Infantry Battalion ng Philippine Army laban sa mga armadong lalaki.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.