'Inahas' ang kuryente: Sawa, nagdulot ng mahigit 6 oras na brownout

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2017 01:05 AM

'Inahas' ang poste ng kuryente

Isang sawa ang tinukoy na dahilan sa mahigit 6 na oras na brownout sa bahagi ng Camarines Sur nitong Miyerkoles, Setyembre 20.

Ayon kay Nilda Somera, tagapagsalita ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) South Luzon, umakyat ang sawa sa pole 85 nila na nakapuwesto sa Sta. Lucia, Magarao, Camarines Sur.

Tumuloy pa aniya ang sawa sa insulator na kinakabitan ng kable ng kuryente.

Bandang 12:44 ng madaling araw nitong Miyerkoles nang mag-brownout at naibalik sa normal ang kuryente pagsapit ng 7:24 ng umaga. 

Naapektuhan ng brownout ang service area ng Naga-Tinambac 69 KV Line sa Camarines Sur.

Humingi naman ng dispensa ang NGCP sa mga naapektuhan ng insidente.

Hindi naman malinaw kung anong nangyari kinalaunan sa ahas na tinatayang may sukat na isa't kalahating metro.


-- Ulat ni Gerard Lorbes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.