'Frat library' ng Aegis Jvris, iimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2017 08:58 PM

Matapos lumutang ang umano'y usapan tungkol sa “FL” o frat library na hinihinalang pinangyarihan ng diumano'y hazing ni Horacio “Atio” Castillo III, agad na tiningnan ni Brgy. Chairman Ruby Perez ang mga kuha ng CCTV sa kanyang nasasakupan. 

Sa kuha ng CCTV ng Barangay 471 sa Maynila, umaga ng Linggo, Setyembre 17, nang makita ang mabilis na pagdaan ng pulang Mitsubishi Strada pick-up kasabay ang isang itim na SUV sa kalye ng Dapitan.

Saka dumaan sa Santander Street ang umano'y kabuuang convoy, kabilang ang pulang Strada, isang itim na Fortuner, isa pang SUV at motorsiklo.

Bandang 8:42 ng umaga nang lumusot sa A. Mendoza Street cor. Juaning ang convoy. 

Tumigil pa sa kalsada ng Rosarito Street ang pulang pick-up hanggang sa lumusot sa Laong Laan ang mga sasakyan. 

Makikita rin sa CCTV ang pagdaan nila sa kanto ng Asturias, bago pinaniniwalaang dumiretso sa Chinese General Hospital kung saan dinala ang wala nang buhay na si Castillo.

Paniwala ni Perez, posibleng sa lugar niya nagsimula ang nasabing krimen.

Pero may nadiskubre pang kahina-hinala ang barangay sa mga kuha ng CCTV.

Bago pa ang naging pagdaan ng pulang pick-up at ang umano'y mga kasamahan nito, bandang 8:25 ng umaga ay nakita rin sa Laong Laan sa may bahagi ng Rosarito Street ang isang van na tumigil sa kalsada. 

Bumaba ang isang lalaki at babae at kumuha ng mga litrato sa paligid na tila kinakabisado ang mga pagkakaposisyon ng CCTV sa kalsada.

Alas-9 naman ng umaga, may isang lalaking naka-motorsiklo rin ang nakita sa CCTV na tumigil at tila sinisilip ang lugar. 

Iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang posibilidad na si John Paul Solano ang nakitang nagmamaneho ng motorsiklo sa CCTV.

Kuwento naman ng isang alyas “Nestor” na nandoon sa Navarra Street, malapit sa silid-aklatan ng Aegis Jvris fraternity, tila may nagaganap daw na selebrasyon noong gabi ng Setyembre 16, Sabado.

Ayon kay Nestor, hindi siya naghinala nang masama hanggang sa bigla na lang umano tumigil ang kasiyahan noong gabing iyon.

Ayon naman kay alyas “Edwin,” madalang niyang makitang nakabukas ang silid-aklatan, maliban na lamang kung mayroong mga estudyanteng nagrerebyu.

Tahimik na noong Linggo ng umaga pero may mga sasakyan pang naiwan sa harapan nito, ani Edwin.

Mag-iisang linggo nang sarado ang silid-aklatan at opisina ng Aegis Jvris fraternity.     
    
Nag-file na rin ng search warrant ang mga pulis Maynila upang tuluyang mapasok ang naturang silid-aklatan.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.