VP Leni, PNoy, dumalo sa misa alay sa martial law, EJK victims

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2017 09:28 PM | Updated as of Sep 22 2017 03:23 AM

Pinangunahan nina Bise Presidente Leni Robredo at dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang pagtitipon ng iba't ibang grupo sa UP Diliman para managawan ng hustisya para sa mga biktima ng pag-abuso sa mga karapatang pantao, bahagi ng paggunita sa ika-45 anibersaryo ng pagdedeklara ng batas militar.

Nag-alay ang mga ito ng misa sa Parish of the Holy Sacrifice para sa mga biktima ng pang-aabuso sa ilalim ng rehimen ng diktador na si Ferdinand Marcos.

Dinaluhan din ito ng mga kilalang Liberal Party stalwarts tulad nina Mar Roxas, mga mambabatas na sina Miro Quimbo at Kit Belmonte, at mga senador na sina Bam Aquino, Franklin Drilon, at Kiko Pangilinan.

Nakiisa rin ang ibang sektor tulad ng mga estudyante at mga non-government organization sa paggunita sa madilim na panahon ng batas militar.

Sa misa, nag-alay ng mga bulaklak at kandila sa mga larawan ng mga biktima ng martial law at ng kasalukuyang war on drugs.

Ayon kay Robredo, tungkulin ng lahat ng Pilipino na siguraduhing hindi na mauulit ang martial law.

"Lahat tayo may pananagutan na hinding hindi na tayo papayag na mangyari ulit sa bansa 'yung madilim na bahagi nung pinagdaanan natin [noong batas militar]," ani Robredo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.