TINGNAN: Mga kilos protesta sa ika-45 anibersaryo ng Martial Law

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2017 12:51 PM

Nagdaos ng kilos protesta ang iba't ibang grupo bilang paggunita sa ika-45 na anibersaryo ng pagdeklara ng batas militar ni dating pangulong Ferdinand Marcos, Huwebes.

Alas-6 pa lang ng umaga, nagtipon-tipon na ang ilang raliyista sa University of the Philippines (UP)-Diliman campus upang ihanda ang mga kagamitang tampok sa kanilang pagkilos.

Kabilang dito ang mga effigy at poster na may mukha nina Pangulong Rodrigo Duterte at dating pangulong Marcos.

Sumapi naman sa mga mag-aaral ng UP Diliman ang mga katutubo mula sa Mindanao, na tatlong linggo nang namamalagi sa UP campus.

Kinondena nila ang extrajudicial killings na iniuugnay sa giyera kontra droga ng pamahaalan.

Tutungo ang mga katutubong grupo at mag-aaral sa Maynila upang umanib sa iba pang kilos protesta.

Sasama rin sa protesta sa Mendiola, Maynila ang mga katutubong nagkampo sa University of Santo Tomas.

Ito ang huling araw ng tatlong linggong pamamalagi ng mga katutubong grupo sa ilang mga unibersidad sa Metro Manila.

Ang ilang mga grupo, sa Mendiola na dumeretso.

Mayroon din pro-Duterte group na nag-protesta sa loob ng Mendiola gate malapit sa Malacañang.

Binigyang seguridad naman ng kapulisan ang mga raliyista habang nangangasiwa ng trapiko sa kalsada.

Idineklara ng Malacañang bilang "National Day of Protest" ang Setyembre 21.

Suspendido ang pasok sa lahat ng antas sa mga pampublikong paaralan at trabaho sa lahat ng tanggapan ng gobyerno na sakop ng ehekutibo at hudikatura.

Nagkansela rin ng pasok ang ilang pribadong paaralan.

-- Ulat nina Anjo Bagaoisan, Zhander Cayabyab, Dennis Datu at Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.