Pro-Duterte rally, hindi umano ginastusan ng gobyerno

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2017 09:24 PM | Updated as of Sep 22 2017 02:39 AM

Nagtipon ang mga taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Plaza Miranda Huwebes bilang bahagi ng National Day of Protest, kung saan malawakang pagkilos ang ikinasa ng mga militante at civil society groups laban sa mga pag-abuso umano sa ilalim ng administrasyon. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Itinanggi ng mga taga suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang kanilang pagtitipon sa Plaza Miranda, Maynila kasabay ng "National Day of Protest" ay ginastusan ng gobyerno.

Umalma ang mga organizers ng pro-Duterte rally matapos lumutang ang paratang na sila ay binayaran ng tig-P5,000 mula umano sa pondo ng pamahalaan.

Namataan din ang mga ito na dumating lulan ng mga bus at sasakyan ng barangay.

Nang tanungin naman kung saan galing ang mga pagkain at inumin na libre buong maghapon, giniit nila na sila ay nag "potluck" o ambagan.

Dagdag nila, sila ay kusang nagtungo sa Plaza Miranda para iparating ang suporta sa pagbabago umano na sinimulan ni Duterte. 

Sigaw nila, suportahan na lamang ang administrasyon sa laban nito sa katiwalian at ilegal na droga. 

Bitbit nila ang mga streamers at banners na nagpapakita ng suporta sa Pangulo.

Nagmistulang variety show ang pagtitipon na dinaluhan ng mga kilalang taga-suporta ni Pangulong Duterte at mga opisyal ng gobyerno, kabilang si Energy Secretary Alfonso Cusi.

"I'm [attending as] an ordinary person here also expressing out beliefs. Kailangan din namang marinig ng mamamayan ang mayorya," ani Cusi.

Ayon sa mga organizers, umabot daw sa 20,000 ang dumalo sa kanilang pagtitipon na nagmula pa sa iba't ibang lungsod at probinsya.

Sinabay ng mga Duterte supporters ang kanilang pagtitipon sa malawakang pagdaraos ng mga kilos-protesta laban sa administrasyon bilang bahagi ng pag-alala sa ika-45 anibersaryo ng malagim na martial law. --Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.