Madugong Escalante Massacre, ginunita sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2017 02:30 PM

Kasabay ng paggunita sa ika-45 anibersaryo ng batas militar, sinariwa naman sa mismong bayan ng Escalante, Negros Occidental ang Escalante Massacre, na isa sa mga pinakamadugong insidenteng naitala sa ilalim ng diktaturya ni dating presidente Ferdinand E. Marcos.

Sa harap mismo ng Escalante City Hall kung saan nangyari ang pamamaril noong Setyembre 20, 1985 ginunita ng mga miyembro ng grupong Bayan Negros ang Escalante Massacre nitong Miyerkules.

Ang Escalante Massacre ay naganap noong 1985 kung saan pinagbabaril ng mga armadong guwardya ang mga demonstrador.

20 ang namatay at higit 20 ang nasugatan sa insidente.

Ginunita ng grupo ang malagim na pangyayari sa pamamagitan ng pagsasadula ng naturang masaker.

Binomba ng tubig mula sa fire truck ang mga kasali sa pagsasadula at hinagisan ng kunwari'y tear gas.

Ayon kay Ray Alburo, secretary-general ng Northern Negros Alliance of Human Rights Advocates, pinangangambahan nila ngayon ang posibleng ikalawang martial law sa buong Pilipinas.

Nagtipon din ang mga militanteng grupo sa Escalante public plaza para tutulan ang diumano'y laganap na "extra-judicial killings" sa bansa. 

Inaasahan ang iba't ibang kilos-protesta sa buong bansa sa paggunita ng Martial Law, Setyembre 21.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.