Macalintal: Walang kapangyarihan ang Kongreso mag-urong ng eleksyon

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2017 09:47 PM

Idiniin ng isang batikang election lawyer na sa kanyang opinyon, hindi naaayon sa Saligang Batas ang plano ng Kongreso na i-urong ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na nakatakda sanang idaos sa Oktubre 23.

"Wala namang kapangyarihan ang Congress na mag-postpone ng halalan," ani Atty. Romulo Macalintal sa isang panayam sa programang "Kabayan" ng DZMM. 

Ayon kay Macalintal, ang Commission on Elections (Comelec) lang ang may kapangyarihang ipagpaliban ang halalan.

Ang tungkulin lamang diumano ng Kongreso ay ang magtakda ng termino ng mga opisyal ng barangay.

Paliwanag ni Macalintal, kung ipagpapaliban ang halalan, maaaring humaba ang nakatakdang termino ng serbisyo ng mga pampublikong opisyal.

"‘Yan ang dapat ‘di natin pinapayagan," aniya.

Sa kasalukuyan, tatlong taon lamang maaaring magsilbi ang isang opisyal ng barangay.

Hindi rin maaaring magtalaga ng mga "holdover position" o mga pansamantalang mangangasiwa sa mga barangay.

Katuwrian ni Macalintal, hinahalal dapat ng taumbayan ang mga namumuno sa barangay.

Kamakailan lamang nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na ayaw niyang magluklok ng officers-in-charge o OICs sa barangay, salungat sa nauna niyang pahayag. 

Inamin naman ni Macalintal na hindi maaaring umangal ang Comelec sakaling ipagutos ng Kongreso ang pagpapaliban sa halalan.

"Wala kasing magagawa ang Comelec kundi mag-implement lamang ng batas," ani Macalintal.

Pero para kay Macalintal, ipinauubaya na lamang nya sa mga organisasyon at civic groups ang paghahain ng petisyon sa Korte Suprema upang tutulan ang pagliban.

Sa kasalukuyan, naipasa na ng parehong kapulungan ng Kongreso ang kani-kanilang bersyon ng batas na magpapaliban sa naturang eleksyon. 

Nagkasundo ang Senado at Kamara na isagawa na lamang sa Mayo 2018 ang barangay at SK elections.

Samantala, ibinasura nila ang probisyon na magbibigay kapangyaringan sa pangulo na magtalaga ng pansamantalang hahalili sa mga kasauluyang nakaupong opisyal.

Kung maisasabatas, ito na ang ikalawang pagkakataong maaantala ang barangay at SK elections.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.