15 anyos, nahulihan ng droga sa Bacolod

Meneil Lopez, ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2017 09:40 PM

Nahulihan ng 23 sachet ng hinihinalang shabu at P500 marked money si alyas Shocker sa Bacolod City nitong Huwebes.

BACOLOD CITY - Arestado ang isang 15 anyos na lalaki sa isang buy-bust operation sa Purok Kagaykay, Barangay 2 dito nitong Huwebes.

Nakunan ng 23 sachet ng hinihinalang shabu at P500 marked money si alyas "Shocker."

Pinabulaanan ni "Shocker" na nagbebenta siya ng ilegal na droga. 

Ayon sa kanya, patungo siya sana sa internet café para maglaro ng games nang bigla na lang siyang hinuli ng mga pulis.

Hindi naman makapaniwala ang ina ni "Shocker" na nagawa ng kanyang anak na magbenta ng ilegal na droga. Ayon sa kanya, kung totoo mang nagbebenta ito, magsisilbing leksyon ito para sa kaniyang anak na tumigil na sa masamang gawain.

Naniniwala naman si Chief Insp. Benedicto Villarias, hepe ng Police Station 2, na maaaring ginagamit ang menor de edad ng isang sindikato dahil sa ilalim ng batas, hindi masasampahan ng kaso ang mga ito.

Pero ayon kay Villarias, sasampahan pa rin nila ito ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at bahala na umano ang prosecutor kung ipapawalang-sala ang bata.

Base sa tala ng pulisya, si Shocker ang ikalawang kabataan na nahuli sa kanilang drug operations. 

Dagdag ng pulisya, kasalukuyan nilang tinutugis ang sindikato sa likod ng modus na ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.