Mga drug den sa Subic, sinalakay

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2017 09:20 PM | Updated as of Sep 21 2017 02:17 AM

Sinalakay ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG) ang limang hinihinalang drug den sa Subic, Zambales kamakailan.

Sabay-sabay na pinasok ng PNP-DEG at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang bahay sa Barangay Matain, Subic kung saan target ng awtoridad ang isang Marwin De Guzman na umano’y operator ng mga drug den.

Limang search warrant ang inihain ng awtoridad sa mga umano’y drug den na ito.

Ayon kay Enrico Rigor, tagapagsalita ng PNP-DEG, 10 sachets ng hinihinalang shabu at iba’t-ibang drug paraphernalia ang nasamsam sa unang bahay na sinuyod ng awtoridad.

Mga shabu sachet naman ang narekober sa sumunod na bahay.

Nakuha naman ang mga shabu sachet sa isang Alma Dagan.

Sa ikatlong bahay, shabu sachet at baril ang nakuha ng awtoridad.

Nakakuha rin ng shabu sachet at kaliber .38 na baril sa iba pang mga bahay at naaresto si De Guzman.

Sabi ng awtoridad, mga taga-Subic din ang parokyano ng mga nasabing drug den. Patunay lang ito na maging sa mga liblib na barangay sa mga lalawigan ay buhay pa rin ang operasyon ng mga drug den, anila.

“Patuloy na kampanya sa remote lugar na katulad nito [ang] tinatrabaho natin. [Ang] kampanya laban sa droga ay sinsero,” sabi ni Rigor. 

Inaalam ngayon ng awtoridad ang source ng droga ng umano’y drug den.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.