Earthquake drill sa Setyembre 21, ipinagpaliban

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2017 03:03 PM

Ipinagpaliban ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang malawakang earthquake drill na nakatakda sa darating na Huwebes, Setyembre 21.

Inanunsyo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, Martes ng umaga, ang pagpapaliban sa ikatlong Nationwide Simultaneous Earthquake Drill.

Ito'y matapos suspendihin ang pasok sa mga opisina ng pamahalaan at eskuwelahan, kasabay ng pagdeklara ng Malacañang sa Setyembre 21 bilang "national day of protest."

Ayon sa pahayag ng NDRRMC, karamihan sa mga piniling pilot area sa mga probinsya ay mga opisina ng pamahalaan at paaralan kaya balewala umano kung magdaraos ng earthquake drill.

Nais din kasi ng NDRRMC na makilahok ang nakararami sa earthquake drill.

Hindi pa nagtatakda ang NDRRMC ng panibagong petsa para sa 3rd quarter earthquake drill. 

Gugunitain sa Setyembre 21 ang ika-45 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.