4 na bangkay, natagpuan sa tangke ng tubig

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2017 12:24 PM | Updated as of Sep 20 2017 01:02 AM

(UPDATED) Apat na bangkay ang natagpuan sa loob ng isang tangke ng tubig sa Lipa City, Martes ng umaga.

Natagpuan ni Rufino Tagle ang labi ng kanyang kapatid at tatlo pa nitong kasamahan.

Ang mga bangkay nina Jimuel Dimaculangan, Enrique Erolon, at isang Jasper at Jose ay nadiskubre alas-7:15 ng umaga sa Purok 4, Sitio Barandal, Barangay San Francisco.

Nakasilid ang mga labi ng mga biktima sa loob ng isang rainwater storage tank na may dalawang butas na 30-pulgada ang lapad at tatlong metro ang lalim. May laman din na isang metro ng tubig ang tangke. 

"Pagsilip ko'y kita ko'y patay na. Humingi na po ako ng tulong sa mga tao,” ani Rufino.

Matubig umano sa loob at maraming kahoy batay sa deskripsyon ni Rufino.

Sa pagkakaalam niya, nakatakdang alisin ng kapatid niyang si Jimuel at ng mga kasamahan nito ang mga tukod na kahoy sa loob ng ginawa nilang kongkretong tangke ng tubig nitong Lunes.

Patuloy na iniimbestigahan ang insidente.

"Iniimbestigahan pa natin kung ano ang tunay na nangyari kung na-suffocate ba o kung anong posibleng dahilan ng insidente,” ani Supt. Meliton Salvadora, hepe ng Lipa City Police. --May ulat ni Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.