2 bandido, patay sa bakbakan sa Zambo del Norte

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2017 03:01 PM

Dalawang bandido ang napatay matapos na maka-enkuwentro ang militar sa Zamboanga del Norte.

Ayon kay Lieutenant General Carlito Galvez, Jr., commander ng Western Mindanao Command, nakasagupa ng pinagsanib na puwersa ng 42nd Infantry Battalion at Zamboanga del Norte Provincial Public Safety Company ang nasa 10 bandido sa ilalim ni Ustadz Kadjo Tungayaw sa Barangay Panganuran sa Sibuco alas-2 ng hapon noong Linggo.

Umabot ng 10-minuto ang palitan ng putok na ikinasawi ng 2 di pa kilalang bandido. Narekober din ang isang Garand rifle, isang Carbine automatic rifle, improvised shotgun, mga bala, camouflage uniform at mga dokumento.

Si Commander ‭ ‬Kadjo ay dating kasapi ng ‬Moro‭ ‬National ‭ ‬Liberation Front pero itinakwil na ng grupo dahil sa pagkanlong nito sa mga kriminal.

Inilunsad ang operasyon ng militar laban sa mga armadong grupong sangkot sa serye ng pag-kidnap sa mga kalapit na mga lugar ng Zamboanga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.