SAPUL SA CCTV: Akyat-bahay sumalakay sa tindahan sa QC, arestado

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2017 09:40 AM

MAYNILA - Arestado ang isang hinihinalang notoryus na akyat-bahay matapos itong magnakaw sa loob ng isang health and wellness shop sa Barangay Payatas, Quezon City, Linggo ng madaling araw.

Kinilala ang suspek na si Russel Malinay, 20 anyos, na unang natukoy ng pulisya sa CCTV footage na nakakuha ng aktuwal na pagnanakaw nito sa tindahan.

Sa bidyo, makikitang naiwang nakabukas ni Emerita Pecson ang ilaw sa shop bago mahimbing na nakatulog sa sofa bandang alas-2:00 ng madaling araw.

Maya-maya pasimple nang pumasok ng shop ang lalaking may bandana sa mukha at una nitong kinuha ang cellphone sa mesa bago kinalkal ang bag na nakita sa sahig.

Nawala sa frame ang suspek na tila may hinahanap. Pagbalik, may bitbit na itong isa pang cellphone at handbag, at saka tuluyang lumabas ng shop.

Aabot sa P50,000 halaga ng mga alahas, cellphone, at cash ang kinuha ng suspek mula sa shop. Tumanggi nang magbigay ng pahayag sa midya ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.