Gobernador ng Southern Leyte, tanggal na sa serbisyo

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2017 06:28 PM

SOUTHERN LEYTE - May bago nang gobernador ang lalawigan ng Southern Leyte matapos ipag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagtanggal kay Governor Damian Mercado sa kanyang puwesto.

Bago pa man ipatupad ang kautusan ay boluntaryo nang pumunta si Mercado sa opisina ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Biyernes upang harapin ang kautusan ng Ombudsman.

Ayon sa legal officer ng DILG Eastern Visayas na si Atty. Cyril Blanco, ipinag-utos ng Ombudsman ang dismissal kay Mercado matapos mapatunayang nilabag nito ang Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay ng maanomalyang pagbili umano ng second hand na sasakyan ni Damian noong siya ay alkalde pa ng Maasin City.

Bilang pagsunod sa batas, humalili kay Mercado si Vice Governor Christopher Yap. Umupo rin bilang bagong vice governor si Jessica Escano-Pano.

Nakatakda namang ipatupad ang kautusan ng Ombudsman para sa iba pang opisyal na sangkot sa nasabing kaso.